Iniimbestigahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang mga reklamo ng malabo at hindi mainom na tubig na isinusuplay ng water concessionaire na Maynilad sa ilang customers nito.
Sa gitna ito ng ipinatutupad ngayong adjustments sa treatment plants ng Maynilad sa Muntinlupa na nagresulta sa hindi magandang kalidad ng tubig.
Kabilang sa apektado ang mga customer sa ilang bahagi ng Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Bacoor at Imus na inaabisuhang huwag muna inumin o gamiting panluto ang tubig mula sa gripo.
Ayon kay MWSS RO Chief Atty. Patrick Ty, nakamonitor na sila sa sitwasyon at ipatatawag na rin ang Maynilad para magpaliwanag sa nangyari.
Nais aniya nilang maunawaan kung bakit hindi magawa ngayon ng Maynilad ang obligasyon nitong maghatid ng potable water sa kanilang mga customer sa loob ng 24 oras
Babala naman ng MWSS, kapag hindi pa naresolba sa lalong madaling panahon ng Maynilad ang problema nito sa kalidad ng tubig ay pagmumultahin na ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa