Binigyang diin ni Senador Sherwin Gatchalian na ang natuklasang hinihinalang Chinese military uniforms sa ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga ay malinaw na ebidensyang banta sa seguridad ng Pilipinas ang mga POGO.
Muling iginiit ni Gatchalian na binuksan ng mga POGO ang pinto, hindi lang para makapasok ang mga kriminal na sindikato sa bansa kung hindi para na rin sa mga nais na pasukin at sirain ang ating governmental at political institutions.
Ang insidenteng ito aniya ay dagdag na rason para tuluyan nang ipagbawal ng administrasyon ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Base sa impormasyon, isa sa mga narekober na camouflage uniform sa Porac POGO hub ang may butones na may nakalagay na initials na P.L.A.
Hinihinala ng mga otoridad na posibleng ang initials na ito ay nangangahulugang People’s Liberation Army, ang military force ng China.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kung may mga sundalong Chinese na nagpapanggap bilang mga manggagawa ng POGO dito sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion