Muling nagpulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang patuloy na matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa isla ng Negros.
Doon, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na nakarating na sa Negros Occidental ang ipinadala nitong 7-man Rapid Deployment Team gayundin ang Water Filtration Truck na maghahatid ng malinis na tubig sa mga apektadong residente.
Natukoy din sa pulong ang iba pang pangangailangan gaya ng gamit sa pagluluto, hygiene kits, bota, water containers, at iba pa.
Nagpaabot din ang Department of Health (DOH) ng halos ₱6.9-milyong halaga ng commodities habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapagpaabot na ng ₱5.6-milyong pisong ayuda sa mga apektado.
Tiniyak din ng Departmetn of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na magbibigay din ito ng shelter assistance sa mga nawalan ng tahanan.
Pinangunahan ni DSWD Undersecretary Diane Cajipe ang pagpupulong kung saan, binigyang-diin nito ang pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) Chair at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tiyaking makararating ang tulong ng pamahalaan sa mga nangangailangan. | ulat ni Jaymark Dagala