Ikinalungkot ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang panibagong agresyon ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea.
Matatandaan na sa isinagawang resupply mission ng Pilipinas para sa mga sundalo sa BRP sierra madre ay hinarang ito ng Chinese Coast Guard kung saan may isang sundalo na naputulan pa ng daliri.
Sa panayam kay Garin sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Surigao del Sur, sinabi nito na umaasa siya na mananatili ang diplomasya sa pagtugon at pagresolba sa tensyon.
Maaari naman kasi aniya idaan sa usapan ang isyu.
Kaya rin aniya nakasuporta ang Kongreso at nakikiisa sa pagtindig ng pamahalaan.
Umaasa naman si Garin na magkaroon ng plataporma kung saan maaaring magkaroon ng payapang pag-usap sa pagresolba ng tensyon. | ulat ni Kathleen Forbes