Simula alas-5 kaninang umaga, isinara na sa daloy ng trapiko ang ilang mga lansangan sa lungsod ng San Juan ngayong araw.
Ito’y para bigyang-daan ang mga nakalatag na aktibidad para sa “Wattah Wattah Festival” kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng kanilang patrong San Juan Bautista.
Kabilang sa mga isinara ay ang mga kalye Pinaglabanan, N. Domingo, F. Santos, Aurora, G. Araneta, F. Blumenttrit, F. Manalo, P. Parada, at P. Guevarra na siyang ruta na daraanan ng parada.
Kasunod nito, inaabisuhan din ng San Juan City LGU ang mga motorista na maghanap ng alternatibong mga ruta para makaiwas sa inaasahang trapiko.
Bubuksan naman ang isinarang kalsada mamayang alas-12 ng tanghali o sa oras mismo ng pagtatapos ng tradisyonal na basaan.
Samantala, sinabi ng San Juan LGU na sa kabila ng pagdiriwang nila ng kapistahan, ay may pasok pa rin sa mga paaralan sa lungsod maliban na lang sa mga naka-academic break. | ulat ni Jaymark Dagala