Nanindigan ang ilang tsuper ng jeepney na miyembro ng PISTON na mamasada sa kabila ng hindi nila pagsali sa franchise consolidation na bahagi ng PUV Modernization Program.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas sa ilang driver na pumapasada sa rutang Taguig-Pateros-Pasig, hindi sila natatakot sa babala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa gagawing panghuhuli nito sa mga unconsolidated jeepney simula sa susunod na linggo.
Katuwiran nila, kailangan nilang mamasada para may makain ang kanilang pamilya kaya kung magkakahulihan man ay magtatago na lamang sila.
Unang inihayag ng LTFRB na magkakasa sila ng mga panuntunan kasama ang Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa gagawing panghuhuli.
Binigyang-diin pa ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz Jr. na sapat ang bilang ng mga jeepney na nakapag-consolidate sa Metro Manila kaya’t hindi maaapektuhan ang pamamasada ng mga nasa pampublikong sektor. | ulat ni Jaymark Dagala