Mas pipiliin pa rin ng mga residente sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City na uminom ng tubig na binili sa water refilling station kaysa sa tubig mula sa gripo.
Ito’y kahit tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mas ligtas pa ang pag-inom ng “tap water” kaysa sa mga tubig na nabibili sa water refilling stations dahil sa posibleng kontaminasyon nito kalaunan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang residente na may ilang tubo kasi ng tubig ang nasa alanganin ang puwesto.
Katunayan, may ilang tubo pa ang nakapuwesto sa mga kanal habang ang iba pa rito ay may tagas kaya’t ayaw nilang magpaka-kampante sa pag-inom ng tubig mula sa gripo.
Giit pa nila, dumaraan naman sa pagsasala ang mga tubig mula sa water refilling station kaya’t para sa kanila makatitiyak na ligtas itong inumin.
Hindi rin nila pinanghihinayangan ang pagbili ng tubig mula sa water refilling station na nasa ₱35 kada container kaysa naman anila lumaki pa ang gastos sa pagpapa-ospital dahil sa pag-inom ng “tap water.”
Una nang ipinaliwanag ng DENR na ligtas naman ang tubig na isinusuplay ng Maynilad at Manila Water kahit dumaan pa sa tubo.
Sa lakas kasi ng pressure ng tubig, kahit magkabutas ang tubo ay hindi ito basta-basta mapapasok ng tubig kanal. | ulat ni Jaymark Dagala