Hinarang ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang lalaki sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pinaghihinaalaan itong isang Chinese citizen at nagpapanggap na mamamayan diumano ng Vanuatu.
Kinilala ang lalaki bilang si Alex Cooper, 43-anyos, na hinarang habang papasakay ng Thai Airways patungong Bangkok.
Ayon kay Commissioner Norman Tansingco, patuloy ang imbestigasyon kay Cooper dahil sa posibilidad ng pamemeke ng pagkakakilanlan nito. Ayon sa unang pagsisiyasat ng border control and intelligence unit ng BI, mahusay umano magsalita ng Chinese si Copper ngunit hirap magsalita ng Ingles, hindi pa rin daw ito nakapunta sa Vanuatu at walang alam tungkol sa bansa. Ito ay sa kabila ng pineresentang pasaporte ng Vanuatu na inisyu noong Pebrero 15, 2021, na pinaniniwalaang nakuha nito sa iligal na paraan. Sinasabing gamit ni Cooper ang pasaporteng ito sa iba’t ibang biyahe tulad sa Japan at Thailand.
Kung mapapatunayan ngang Chinese si Cooper at namemeke ng kaniyang pagkakakilanlan, agad itong ipapa-deport at permanente ng iba-ban sa muling pagpasok ng bansa.
Kasalukuyang nakaditene sa BI detention facility sa Taguig City si Cooper habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon.| ulat ni EJ Lazaro