Agad na ini-activate ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Canlaon ang Incident Command System para sa mabilisang pagtugon sa pangangailangan ng mga residente kaugnay ng nangyaring phreatic eruption ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas, prayoridad nila ngayon ang kaligtasan at kabutihan ng kanyang nasasakupan.
Ipinagbigay alam rin ng alkalde na mayroong paparating na 10,000 food packs mula sa DSWD -7, 130 hygiene kits at 5,000 face masks.
Hinikayat naman nito ang mga residente na manatiling kalmado at sundin ang mga ipapalabas na mga advisory at makipagtulungan sa mga response teams.
Agad ring nagtalaga ng mga hotline numbers ang local disaster risk reduction and management office upang mabilis na makatawag ang mga residente. Ang Mt. Kanlaon Eruption Hotline ay available 24/7 ng LDRRMO: 0917 325 8819 (TM) 0929 498 9021 (Smart) 0994 858 0604 (Dito) .
Tinukoy rin ang mga safe zones o mga posibleng evacuation area katulad ng barangay covered court at covered gyms kung kinakailangan.
Nag-abiso na rin ang alkalde sa DepEd Canlaon City Division na gagamiting evacuation center ang mga silid aralan.
Namigay na rin ng libreng face mask ang lokal na pamahalaan lalo na sa mga bata na kasalukuyang nasa evacuation center.| ulat ni Angelie Tajapal| RP1 Cebu