Patung-patong na kasong kriminal ang kinakaharap ngayon ng isang ina matapos siyang maaresto sa isang entrapment operation dahil sa pagbebenta ng hubad na larawan ng kanyang anak sa online.
Kasong qualified trafficking at online sexual abuse or exploitation ang isinampa sa korte ng Task Force on Women and Children and Against Trafficking in Person laban sa akusado na si Jonalyn Rivera Jordan ng Dau, Pampanga.
Isang undercover ng Philippine National Police (PNP) ang nagpanggap na foreigner sa isang online site kung saan doon nya nakilala ang suspek na nag-alok sa kanya ng hubad na larawan at video ng menor de edad na babae kapalit ng pagbabayad ng malaking pera.
Matapos magkasundo sa presyo, dito na tinanong ng undercover ang eksaktong address ng akusado na naging daan para magsagawa ng emergency rescue operation ang mga awtoridad para sagipin ang menor de edad na biktima.
Nadatnan pa sa bahay ng akusado na pilit umanong pinasasayaw ng hubo’t hubad ang bata sa harap ng camera na dahilan upang maaresto ang kanyang ina.
Tiniyak naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi papayag ang Pamahalaan na magpatuloy ang ganitong uri ng child exploitation dahil itinuturing itong kaaway ng Estado. | ulat ni Mike Rogas