Nakakuha ng kasiguruhan ang Pilipinas mula sa Japan na kukuha o magha-hire ito ng mga Pilipinong manggagawa lalo na sa mahahalagang sektor gaya ng elderly care.
Ang commitment na ito ay kasunod na rin ng pulong sa pagitan nina Speaker Martin Romualdez at ilan pang House leaders kasama ang National Diet of Japan Speaker Fukushiro Nukaga at Vice-Speaker Banri Kaieda.
Ayon kay Kaeida, nahaharap ngayon sa demographic challenge ang Japan at kinilala ang mahalagang kontribusyon ng mga manggagawang Pilipino.
“Japan is facing a decrease in population, and in this regard, Japan truly appreciates the Filipinos working here, especially elderly care workers. We are looking forward to welcoming more Filipinos to work in Japan,” sabi ng Japanesse official.
Bilang tugon naman, sinabi ni Romualdez na sa lumalagong populasyon ng Pilipinas ay bukas ito na magpadala ng mga Pilipinong manggagawa sa Japan at makakuha rin ng sapat na kasanayan.
Sa paraang ito, matututo ang mga Filipino workers ng best practices at teknolohiya na mayroon sa Japan.
Pagkakataon din aniya ito para magpatuloy ang pamumuhunan ng Japan sa Pilipinas.
“It creates an ideal environment for Japan to continue investing in the Philippines, not just in human resources but in Japanese-trained human resources, which will further promote economic cooperation between our countries,” sabi ni Romualdez.
Ibinida naman ni Speaker Nukaga ang nasa 1,400 na Japanese companies na nasa Pilipinas at nangako na patuloy na tutulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
“I will continue to cooperate with the Philippines to help uplift the Philippine economy,” saad niya.
Sa 300,000 mga Pilipino sa Japan, 164,000 ang nagtatrabaho sa sektor ng caregiving, agrikultura, hospitality at manufacturing.
PagbabahagI pa ng Japan Diet Speaker na sa kaniyang hometown na Ibaraki Prefecture ay mayroong 7,000 Pilipino na nagta trabaho.
“Ibaraki Prefecture’s Sakuragawa City and Sakai Town have sister city relations with Bacoor and Marikina, respectively, leading to about 7,000 Filipinos working in the prefecture. I would like to promote more local exchanges between our local authorities,” giit ni Nukagawa.| ulat ni Kathleen Forbes