Naayos na ang aberya sa kalidad ng tubig na sinusuplay ng water concessionaire na Maynilad sa ilang customers nito partikular sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Bacoor, at Imus na unang inabisuhang huwag munang inumin o gamiting panluto ang tubig mula sa gripo.
Ayon sa Maynilad, lifted na ang una nitong abiso dahil balik na sa prescribed quality standards ang tubig na sinusuplay nito.
Ito ay matapos aniya ang unti-unting pag-improve ng raw water quality mula sa Laguna Lake, gayundin ng pinaigting na proseso sa treatment plants sa south upang maibalik ang kalidad ng tubig alinsunod sa nakatakdang pamantayan.
Kasunod nito ay muling humingi ng paumanhin ang Maynilad sa mga naapektuhang customers.
Una nang sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na iniimbestigahan na nito ang mga reklamo ng malabo at hindi mainom na tubig mula sa Maynilad mula noong June 1.
Ayon kay MWSS RO Chief Atty. Patrick Ty, naka-monitor na sila sa sitwasyon at ipatatawag na rin ang Maynilad para magpaliwanag sa nangyari. | ulat ni Merry Ann Bastasa