Kinumpirma ni Speaker Martin Romualdez na nagkaroon sila ng tiyansa ng bagong Senate President Chiz Escudero na magkausap sa ginanap na paglagda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kabalikat sa Pagtuturo Act nitong Lunes.
Ayon kay Romualdez bagamat hindi pormal na pulong ay nagkasundo sila na simulan ang koordinasyon ng Kamara at Senado pagdating sa mga legislative priorities ng pamahalaan.
Aniya maging ang majority leaders ng Senado at Kamara ay mayroon na ring koordinasyon.
“Kahapon lang po sa signing ng batas na ginawa ni PBMM sa Malacanang dun kami nag usap…Although hindi full out meeting, nag agree kami ni Senate President [Chiz Escudero] that even before the LEDAC na sa third week ng buwan na ‘to, mag usap tayo. Syempre naman yung coordination between SP and myself of course, we have each other’s numbers. Tapos yung majority niya si Majority Leader [Francis] Tolentino and Majority [leader] Mannix Dalipe may coordination din, so mukhang ano we’re on our way,” ani Romualdez.
Dahil naman sa napagtibay na ng Kamara ang karamihan sa LEDAC at SONA priority bills ang koordinasyon ay para sa mga panukalang nakasalang sa bicameral conference committee gayundin ang mga local bills na naiakyat na nila sa Senado.
“Pero maganda po naman ang usapan natin ni Senate President,” giit niya.
Bagamat hindi aniya napagusapan ang economic charter change, batid naman aniya ng Senado na isa ito sa mga panukala na nakabinbin.
“Siyempre isa pa rin naman na naka pending yung RBH 6 sa Senate saka yung RBH 7, so we’ll get to that,” pagtatapos ni Romualdez.| ulat ni Kathleen Forbes