Suportado ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang panukala para muling bigyan ng prangkisa ang Meralco.
Giit ng mambabatas sa paraang ito ay matitiyak ang katatagan ng power sector sa bansa.
Ani Ordanes, naipakita naman ng Meralco ang commitment nito sa pagkakaroon ng maaasahang suplay ng kuryente na mahalaga sa pangangailangan ng mga consumer kasama ang senior citizens.
Punto ng mambabatas, naka-depende ang mga senior citizen sa serbisyo ng power distributors gaya ng Meralco para sa mas maayos na kalidad ng buhay, lalo na para sa mga nakaasa sa medical devices.
“Consistently providing efficient, dependable and affordable electricity services is very important for senior citizens, who are more affected by power disruptions. Renewing Meralco’s franchise will help ensure that our elderly continue to benefit from stable electricity services,” sabi ng mambabatas.
Imbes aniya na pagmukaing masama ang power sector dapat ay pagtuunan ng pamahalaan kung paanong i-stabilize ang sektor ng enerhiya.
Kinilala din ng kinatawan ang programa ng Meralco para sa mga nakatatanda kung saan nagbibigay sila ng diskwento sa singil sa kuryente.
“Recognizing the unique challenges of this sector, Meralco provides senior citizens a five percent discount to provide financial relief and to improve the quality of life for many members of the elderly population,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan ay tinatalakay pa rin sa House Committee on Legislative Franchises ang franchise renewal ng Meralco. | ulat ni Kathleen Jean Forbes