Kinumpirma ngayon ng DA-Bureau of Animal Industry na may naitala nang kauna-unahang kaso ng ‘Q Fever disease’ sa bansa.
Ito matapos na madiskubreng positibo sa ‘Q Fever disease’ ang 19 samples mula sa mga in-import na kambing ng gobyerno mula sa US at nadala sa Pampanga at Marinduque.
Ang Q Fever ay isang zoonotic disease na mula sa bacteria na Coxiella burnetii at nakakahawa sa hayop at sa tao.
Ayon naman kay DA-BAI National Veterinary Quarantine Services Division OIC Dr. Christian Daquigan, na-depopulate na ang lahat ng mga apektadong kambing.
Ongoing din ang surveillance at tracing sa mga kambing sa mga natukoy na apektadong lugar at nakikipag-ugnayan na rin sa DOH sa posibleng hakbang rito.
Wala namang kumpirmado pang kaso ng Q fever disease ang naitala sa tao.
Sa utos naman ni Agri Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., isang fact-finding team na ang binuo ng DA para sa malalimang imbestigasyon sa naitalang kaso ng Q Fever disease sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa