Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Toll Regulatory Board (TRB) sa pag-apruba nito sa rekomendasyon ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na suspindihin muna ang pangongolekta ng toll fee (RFID at cash) sa lahat ng bahagi ng CAVITEX.
Iiral ito simula July 1 at tatagal hanggang July 30, 2024.
“Inaprubahan na ng Toll Regulatory Board na binubuo ng DOTr, DPWH, DOF, NEDA, at ng pribadong sektor ang rekomendasyon na suspindihin ang pangongolekta ng toll — RFID at cash — sa lahat ng bahagi ng CAVITEX simula Hulyo 1 hanggang Hulyo 30 nitong taon.” – Pangulong Marcos.
Kung matatandaan, una nang inanunsyo ng Pangulo ang suspensyong ito sa inagurasyon ng CAVITEX C5 Link Sucat Interchange, noong ika-21 ng Hunyo.
Sabi ng Pangulo, malaking tulong ito sa mga motorista sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo.
“Nagpapasalamat tayo sa TRB sa kanilang agarang aksyon sa rekomendasyon na ito ng PRA. Nagpapasalamat din tayo sa MVP Group sa pagsuporta sa panukalang ito.” – Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan