Maliban sa mga polisiya at lehislasyon, magtutuloy-tuloy din ang pagbabantay ng Kongreso laban sa mga hoarders.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez nang matanong sa isang pulong-balitaan.
Aniya, iikot at magsasagawa pa rin sila ng mga inspeksyon sa warehouse ng mga bigas upang matiyak na walang nag-iimbak at kung ano man ang suplay ay agad mailalabas sa merkado.
“..Sisiguraduhin natin na iikutin naman natin yung mga warehouses. At yung sa unang pagpunta natin, we went there a couple of times sa mga warehouses, may strong signal na eh. Pero iikutin din natin ni Cong. Erwin at ni Chairman Mark kaya nakikita din natin na may mga ulat din natin, maraming naiimbak na rin na mga palay. And then we will now go around the warehouses and we will signal to those that it’s now time to mill di ba. Yung mga palay na yan i-mill mo na yan, igiling mo na yan, kasi meron itong tariff rate reduction so may papasok na naman na bagong stock, so ilabas na rin yan,” ani Speaker Romualdez.
Positibo naman si House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga na oras na maisabatas na ang Anti-Agricultural Smuggling Law ay matatapos na ang kalakalan ng mga hoarders.
Sa ilalim ng naturang panukala ituturing na economic sabotage ang hoarding, profiteering, at price manipulation na may parusang habang buhay na pagkakabilanggo.
Maliban dito obligado ang mga warehouse na magsumite ng stock inventory kada tatlong buwan.
“…Ngayon po it would be mandatory, that they would have to submit, all warehouses are mandatorily required to submit their stock inventory every three months, so mas madali na nga po ngayon yung monitoring po dito. So we will know in particular yung mga hoarders, kung may mga hoarding practices na nangyayari instantly, because we have the data already available. Ito na po siguro yung tatapos sa kanilang.. as mentioned by the Speaker bilang na po yung mga araw ng mga hoarders. Ito po yung batas na makakasiguro na hindi na po pwedeng gawin ito kasi napakabigat po ng penalty [na] kakaharapin po nila,” ani Enverga.
Sa sine die adjournment ng Kongreso ay niratipikahan ng Kamara at Senado ang Bicam Report ng panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes