Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang kinilalang fugitive mula South Korea nang tangkain nitong lumipad paalis ng bansa nitong linggo lamang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang suspek na si Sin Man Seung, 54 anyos, na sinubukang umalis ng bansa lulan ng Philippine Airlines flight papuntang Busan, South Korea.
Ayon kay Tansingco, lumitaw ang pangalan ni Sin sa Interpol system ng BI sa routine check nito sa immigration counter.
Matapos beripikahin ng sumuring officer ng BI, nakumpirmang si Sin ang taong nasa wanted list ng Interpol dahil sa kasong fraud matapos itong akusahan ng mga awtoridad ng South Korea sa panloloko sa isa umanong casino venture kung saan sinasabing kumita ito ng aabot sa $600,000.
Kasalukuyang nakaditine na sa pasilidad ng BI sa Taguig City si Sin habang naghihintay ng kanyang deportation.
Tiniyak naman ni Commissioner Tansingco na si Sin ay ibabalik sa Korea at permanenteng ilalagay sa blacklist upang hindi na makabalik pa sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro