Inireklamo ang isang lalaki matapos sabuyan ng muriatic acid ang mga nambabasa sa kaniya sa nakalipas na Wattah-Wattah Festival sa Lungsod ng San Juan nitong Lunes.
Ito’y kasunod na rin ng mga nagkalat na video sa social media hinggil sa walang patumanggang pambabasa at pagbuhos ng tubig ng mga residente ng San Juan City sa mga inosenteng motoristang dumaraan sa lungsod.
Ayon kay San Juan City Chief of Police, PCol. Francis Reglos, dumaan ang naturang lalaki sa bahagi ng Aurora Boulevard nang buhusan siya ng tubig sa kasagsagan ng basaan.
Pero napikon ito at gumanti sa pamamagitan ng pagbuhos ng muriatic acid sa nambuhos sa kaniya dahilan upang magtamo ito ng pinsala sa mata.
Agad nagpasaklolo sa Pulisya ang biktima dahilan upang agad na maaresto ang lalaki na ngayo’y nahaharap sa reklamong Physical Injury.
Samantala, iniulat din ni Col. Reglos na may limang reklamo pa silang natanggap sa kasagsagan ng okasyon subalit nagkasundo naman ang magkakabilang partido kaya’t hindi na isinulong ang kaso. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: PNP