Libreng koneksyon sa WiFi at charging ng cellphones ang hatid ng pinakabagong Mobile Command Center (MCCs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Irene Dumlao, ang mga MCCs na naglalaman ng state of the art equipment ay naipadala na sa kanya-kanyang Field Offices sa bansa nitong nakaraang May 28.
Malaki aniya ang maitutulong nito para sa mga residente lalo sa mga lugar na madalas tinatamaan ng matitinding kalamidad.
“Our MCCs offer system redundancy because of its capacity to provide internet connection, through satellite internet, and power supply from generator sets/uninterruptible power supply (UPS). This means that it can help a lot of affected residents to connect with their loved ones when the power supply in their area is down,” ani Asst. Sec. Dumlao.
Ang MCCs aniya ay naglalaman ng UHF Digital Handheld Digital Radio na nagbibigay kapasidad sa mga disaster response teams upang mabilis na makapag-monitor at agarang makaresponde sakaling kailanganin.
Gayundin ang Mobile Command Center ay may Wireless Access Points na maaaring makapagbigay ng malawak na koneksyon sa mga disaster-stricken areas maging sa mga pinakamahirap na marating na mga lugar.
Naglalaman din ang MCCs ng mga high-tech laptops upang mabilis na makapag-report at makapag-consolidate ng data na kakailanganin para sa information monitoring.
Bukod sa connectivity features, ang MCC ay may kapasidad din na magbigay ng monitoring sa mga Food at Non-Food Items (FNIs) sa mga warehouses at storage facilities sa bansa, kabilang na rito ang Family Food Packs (FFPs). | ulat ni Merry Ann Bastasa