Balik-bansa na ang limang overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Brussels, Belgium matapos ang isinagawang repatriation sa mga ito bilang bahagi ng hakbang ng pamalahaan laban sa mga pang-aabuso sa paggawa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), noong June 12 ay nakabalik na ng Pilipinas ang mga nabanggit na manggagawa kasunod ng dalawa pang OFWs na nauna nang nakauwi noong Mayo 27.
Ni-recruit umano ng isang Polish employer ang Filipino workers at ipinag-subcontract sa isang Belgian firm. Dito na natuklasan ng Flemish labor inspector na ang mga OFW ay may mga pekeng kontrata at permit sa trabaho. Nalaman din dito na ang mga ito ay naninirahan sa hindi maayos na kondisyon.
Pinangunahan ng DFA Office of the Undersecretary for Migration Affairs, Philippine Honorary Consulate sa Flanders, Migrant Workers Office sa Berlin, at International Organization for Migration (IOM) ang repatriation at suporta para sa mga OFW na umuwi ng Pilipinas.
Pinapayuhan naman ang mga OFW sa Europa na tiyaking tunay ang kanilang mga kontrata at permit upang maiwasan ang mga pang-aabuso. | ulat ni EJ Lazaro