Kinumpira ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang June solstice, na kilala rin bilang “summer solstice,” ay magaganap ngayong araw, June 21.
Anila, ang kaganapang ito ay magdudulot ng pinakamahabang araw at pinakamaikling gabi kung saan ang araw ay aabot sa pinakamataas na punto nito sa kalangitan.
Ang naturang posisyon ng araw ay nagpapahiwatig ng pagsisimula ng tag-init sa hilagang bahagi ng mundo at taglamig naman sa timog na bahagi.
Sa Metro Manila, sumikat ang araw sa ganap na 5:28 ng umaga at inaasahan ang paglubog nito mamayang 6:27 ng gabi. May kabuuang 13 oras na liwanag ang inaasahan sa maghapon.
Gayunpaman, ang aktwal na tagal ng liwanag ng araw ay hindi pare-pareho sa iba’t ibang bahagi ng bansa. | via Jollie Mar Acuyong | RP3 Alert