Simula bukas, Hunyo 10 hanggang Hunyo 11, magbubukas ang Land Transportation Office (LTO) ng E-Patrol Services sa Rizal Park sa Maynila.
Pakikiisa ito ng LTO sa pagunita ng ika-126 Araw ng Kalayaan.
Gayundin bilang pagsuporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa publiko.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kabilang sa serbisyong hatid ng E-Patrol Services ay ang pagproseso ng Student Permit, pagrenew ng Driver’s License, Public Assistance Complaints Desk at LTMS Portal assistance para sa mga kailangang magpalit ng password o mag-retrieve ng account.
Libre naman ang medical exam para sa unang 100 applicants, na isa sa mga pangunahing requirement sa pagkuha ng lisensya.
Paalala pa ng LTO na magdala lamang ng mga kinakailangang dokumento tulad ng birth certificate, valid ID, at TDC o Theoretical Driving Course para sa mga aplikante ng Student Permit, o pasadong CDE o Comprehensive Driver’s Education exam para sa mga magrerenew ng lisensya, na maaari ring gawin onsite. | ulat ni Rey Ferrer