Sinimulan na ng Land Transportation Office-National Capital Region ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga colorum operator na patuloy pang bumibiyahe sa kalakhang lungsod.
Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III, sinampahan na ng kaso ang mga nahuling colorum operator sa Office of the City Prosecutor sa Caloocan City noong Lunes.
Babala pa ni Verzosa na haharapin ng mga colorum operator ang buong puwersa ng batas para sa kanilang mga ilegal na aktibidad.
Nauna nang ipinag-utos ni LTO Chief, Vigor Mendoza II, ang pagpapaigting sa paghuli sa mga colorum na sasakyan, na hindi awtorisadong bumiyahe dahil sa kawalan ng kaukulang permit.
Nilalayon din nitong magpatupad ng mas mahigpit na mga regulasyon at parusa upang matiyak ang pagsunod sa mga batas sa transportasyon at mapahusay ang kaligtasan sa kalsada. | ulat ni Rey Ferrer