Muli na namang isasailalim sa yellow alert ang Luzon grid dahil sa pagnipis ng reserba ng kuryente.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ipatutupad ang yellow alert mamayang alas-8:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.
Sa ngayon nasa 13,497MW (megawatts) ang available capacity sa Luzon Grid habang ang peak demand ay nasa 12,278 MW.
Paliwanag ng NGCP, dalawang planta ang nasa forced outage mula noong 2023, 3 sa pagitan ng Enero at Marso 2024, at 13 power plant sa pagitan ng Abril at Mayo 2024.
Habang 8 naman ang tumatakbo sa derated capacities, para sa kabuuang 3,482.3MW na unavailable sa grid.
Binanggit din ng NGCP ang iba pang factor na nag-ambag sa pagsailalim sa yellow alert ang pagbawas ng Sual 1 mula 647MW hanggang 300MW.
Gayundin ang forced outage ng Kalayaan 1 (180MW), at 3 (180MW), Angat Main (200MW) , QPPL(460MW) at Pagbilao 1 (382MW)at 2 (382MW).
Nasa normal na kondisyon naman ang Visayas at Mindanao grids. | ulat ni Rey Ferrer