Hindi tumitigil ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) para tuntunin at arestuhin ang itinuturong utak sa pamamaril kay Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat na ikinasawi ng Police aide nito.
Ito ang pagtitiyak ng PNP matapos i-anunsyo ni Mayor Sinsuat na nag-aalok sila ng ₱500,000 pabuya para sa ikadarakip ng suspek na si Asnawi Limbona alyas Jojo.
Ayon kay Mayor Sinsuat, pinagsumikapan nilang lumikom ng pondo sa tulong na rin ng kanilang mga kababayan para sa agarang ikareresolba ng kaso.
Magugunitang nakatakas si Limbona matapos tambangan si Mayor Sinsuat sa Cotabato City noong Enero 2 na ikinasawi ng aide nito na si PSSgt. Zahrman Mustapha Dicolano.
Sa panig naman ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, napatunayan nang malaking tulong ang pagbibigay ng pabuya sa mabilis na pagresolba sa mg kasong una nang hinawakan ng pulisya.
Kaya naman nanawagan si Fajardo sa sinumang may hawak ng impormasyon laban kay Limbona na idulog sa pulisya kasabay ng babala na may karampatang kaparusahan ang sinumang mapatutunayang nagkakanlong dito.
Una rito, iginiit ng kampo ni Mayor Sinsuat na fake news ang pinalulutang na dokumento ng Kampo ni Limbona na nag-aabuswelto sa kaniya ay para sa ibang kasong kaniyang kinahaharap.
Binigyang diin ng alkalde na inililihis lamang ni Limbona ang usapin upang matigil ang ginagawang pagtugis sa kaniya ng pulisya lalo’t itinuturing nila itong armado at mapanganib. | ulat ni Jaymark Dagala