Walang patid ang pamamahagi ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga pamilyang inilikas dahil sa pag-putok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental.
Sa pinakahuling datos, mahigit 3,600 na litro na ng malinis na tubig ang naihatid ng PRC sa 400 mga apektadong residente ng La Castellana.
Bukod sa distribusyon ng tubig, nagsagawa rin ang PRC ng hygiene promotion at nagbigay ng mainit na pagkain sa 2,800 na mga indibidwal.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, prayoridad nila ang kalusugan at kaligtasan ng mga evacuee kaya naman patuloy ang kanilang pagsisikap na maipaabot ang malinis na tubig sa mga nangangailangan.
Patuloy ang PRC sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagtulong sa mga evacuee.| ulat ni Diane Lear