Naglatag na ng flood mitigation measures si Malabon Mayor Jeannie Sandoval para sa kaligtasan ng mga residente sa lungsod partikular sa mga barangay na patuloy na naaapektuhan ng mga pagbaha dulot ng malfunction sa Malabon-Navotas River Navigational Floodgate.
Pinakilos na ng alkalde ang Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office para mag-deploy ng mga tauhan at i-activate 24/7 ang monitoring equipment sa Command Communitacation Center pati na ang early warning sirens at flood monitoring devices.
Ipinahanda na rin ang mga evacuation areas sakaling may mga residenteng mangailangan ng temporary shelters.
Naglagay na rin ang City Engineering Department ng 1,840 sandbags sa riverwalls ng ilang barangay na malapit sa floodgate para maiwasan ang pagpasok ng tubig mula sa ilog.
Nagsagawa na rin ito ng declogging operations sa drainage systems habang ongoing rin ang clean up drive ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Maging ang City Social Welfare and Development ay nagsasagawa na rin ng assessment para matukoy ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.
Una na ring hiniling ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval ang tulong ng MMDA para makumpuni na ang Malabon-Navotas River Navigational Gate na nasira ngayong buwan lamang matapos matamaan ng barko.
Kasunod nito, nanawagan naman ang alkalde sa mga residente na manatiling kalmado, maging handa sa baha, at makipag-ugnayan sa LGU.
“At patuloy po natin silang pinaalalahanan na makipag-ugnayan sa ating ngayong nakakaranas ng pagbaha sa ilang lugar sa ating lungsod na apektado ng high tide. Atin hong sisiguraduhin na ang lahat ng ating mga kababayan ay ligtas at ang problemang ito ay agaran nating binigyan ng aksyon upang mawala na ang pagbabaha habang patuloy na isinasaayos ang nasirang navigational gate,” pahayag ni Mayor Jeannie. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: Malabon LGU