Nabuhusan na ng semento ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malaking butas sa westbound lane ng Marcos Highway sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.
Batay sa abiso ng Antipolo LGU, sinamantala ng mga taga-DPWH ang holiday kahapon para masimentuhan ang naturang kalsada.
Magugunitang nilagyan muna ng steel plate ang nabutas na bahagi ng kalsada para madaanan ng mga motorista at kahapon ay inalis na ito.
Sa ngayon, hinihintay na lang matuyo ang mga binuhos na simento para madaanan nang mga motorista.
Una nang nilinaw ng DPWH na ang malaking butas ay hindi “sinkhole” kundi butas na gawa ng nasira nilang drainage culvert.
Nagbara kasi ang isang drainage sa ilalim at posibleng hindi nakadaloy ang tubig na siyang nagpalambot sa lupa kaya nabutas ang kalsada nitong weekend. | ulat ni Jaymark Dagala