Nakukulangan si Makati Representative Luis Campos Jr. sa hakbang ng telecommunications companies para ayusin ang kanilang internet service.
Ito’y matapos puma-83 na lang ang Pilipinas sa global mobile internet speed rankings ayon sa May 2024 Global Speedtest Index ng Ookla.
Bumagal kasi ang average mobile internet speed sa Pilipinas sa 32.12 megabits per seconds (Mbps) mula sa 32.37 Mbps noong Abril kung saan ang Pilipinas ay rank 79.
Pumang-anim naman ang Pilipinas sa 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Naungusan ang bansa ng Brunei (107.40 Mbps, pang-15 sa buong mundo); Singapore (99.29 Mbps, pang-21 sa buong mundo); Malaysia (95.66 Mbps, pang-25 sa buong mundo); Vietnam (52.15 Mbps, pang- 57 sa buong mundo); at Thailand (48.76 Mbps, pang-62 sa buong mundo).
Dahil dito patuloy ang panawagan ni Campos na aprubahan na ang inihaing panukala na magpapataw ng multang ₱1-milyong piso kada araw na hindi makakatalima sa itinakdang internet speed ang mga telco.
“This is why we want Congress to pass a new law so that the government can set compulsory deadlines for telcos to deliver faster mobile internet speeds under pain of punitive regulatory fines. We want accelerating mobile internet speeds to improve public access to online resources, government services, education, and new opportunities,” sabi ni Campos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes