Lubos ang pasasalamat ni Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera sa US Navy sa pagliligtas sa mga Pilipinong tripolante na lulan ng MV Tutor na inatake ng Houthi rebels noong June 12 sa Gulf of Aden.
Sa tulong ng multinational Naval patrols ay nailigtas aniya ang 21 OFW.
Matatandaan na tumulong din ang Indian Navy sa pagliligtas ng ating mga kababayan sa kaparehong insidente.
Giit ni Herrera, nananatili ang banta sa naturang karagatan na dapat kagyat na matugunan.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac nasa ligtas at maayos na kondisyon na ang mga seafarer.
Ngunit patuloy pang hinahanap ang isa pang Pinoy na may ranggong 2nd Engineer na idineklarang nawawala nang maganap ang pag-atake. | ulat ni Kathleen Jean Forbes