Dapat nang mas paigtingin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kanilang mga hakbang para mapasara ang mga POGO at ang lahat ng uri ng online gambling.
Ito ang iginiit ni Senador Joel Villanueva sa gitna ng mga ebidensyang nag-uugnay sa POGO sa iba’t ibang mga krimen gaya ng torture, kidnapping, murder at human trafficking.
Ayon kay Villanueva, bilang awtorisadong gaming regulator ay bigo ang PAGCOR na tiyaking legal at maayos na ginagawa ng mga POGO operator ang kanilang mga negosyo.
Ipinunto ng senador na ang mga na-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga ay dating PAGCOR licensees na natuklasang nagsasagawa ng scam operations.
Maliban sa mga POGO, hinihikayat din ng mambabatas ang PAGCOR na imbestigahan ang iba pang uri ng online gambling na madaling ma-access sa mobile devices.
Kaugnay nito, nanawagan si Villanueva sa mga kasamahan niya sa Kongreso na bilisan na ang pagpapasa ng Senate Bill 1281 na layong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling.
Aniya, hindi maikakailang mas mabigat ang social costs ng pagsusugal kaysa sa benepisyong dulot nito. | ulat ni Nimfa Asuncion