Tiwala si House Committee on Agriculture Chair at Quezon Rep. Wilfredo Mark Enverga na maipatutupad ng Department of Agriculture ang ‘safeguard measure’ sa pag-aangkat ng bigas upang maiwasan ang pagbaha nito sa merkado.
Sa ambush interview kay Enverga, sinabi nito na walang dapat ikabahala ang publiko o maging ang lokal na magsasaka sa pag-apruba sa ng tapyas na taripa sa bigas dahil agarang ipatutupad ng DA ang ‘safeguard measures’ sa panahon ng anihan ng palay sa bansa.
Pinairal ng DA ang duty on rice imports bilang hakbang na ma-stabilize ang suplay at presyo ng bigas.
Sa pamamagitan aniya ng mga intervention ng DA, malaking tulong ito na malimitahan ang mga iaangkat na bigas at mapoproteksyonan din ang mga ani ng mga magsasaka.
Layon ng tariff cut na maibaba ang presyo ng bigas ng lima hanggang anim na piso sa bawat kilo ng bigas sa mga pamilihan. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes