Simula ngayong buwan ng Hunyo, kailangan nang magpakita ng Payment Reference Number (PRN) ang mga borrower ng housing loan sa Social Security System (SSS) para mas mabilis na maproseso ang kanilang bayad.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet, layon ng paglipat sa Real-Time Processing of Loans na mapadali ang pagbabayad ng mga borrower.
Sa pamamagitan nito, real-time nang maipo-post ang mga bayad sa housing loan sa mga account ng borrower.
Ang PRN ay isang system-generated na numero na tumutukoy sa billing statement ng bawat housing loan.
Makukuha ito ng mga borrower sa kanilang registered email address at mobile number kada ika-10 araw ng buwan.
Pinapayuhan ang mga borrower na panatilihing updated ang kanilang contact details sa SSS upang makatanggap ng PRN at maiwasan ang aberya sa pagbabayad.
Noong December 2023, may mahigit 3,000 mortgagors ang SSS na may kabuuang P6.83 bilyong housing loan collectibles. | ulat ni Diane Lear