Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) matapos ang nangyaring cyber-attack na tumama sa apat na web-based systems ng ahensya.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Dr. Joseph Victor Generato, Director ng Management Information and Systems Service ng MARINA, sinabi niyang ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong insidente sa ahensya.
Sa kasalukuyan, inaayos ng mga tauhan ng MARINA at DICT-Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) ang mga naapektuhang sistema upang matiyak ang seguridad at malaman ang lawak ng nasabing data breach.
Sa kabila ng nangyaring cyber-attack, tiniyak naman ni Dr. Generato na hindi naapektuhan ang data ng mga seafarer.
Target ng MARINA na maibalik sa normal na operasyon ang kanilang mga sistema sa lalong madaling panahon upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo publiko. | ulat ni Diane Lear