Positibo si Speaker Martin Romualdez na maraming bansa ang susuporta at makikibahagi sa posisyon ng Pilipinas na magkaroon ng isang mapayapa, matatag, at masaganang Indo-Pacific, kasunod ng makasaysayang talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 21st International Institute for Strategic Studies-Shangri-La Dialogue.
Kasama si Romualdez sa official delegate ng Pilipinas na sumaksi sa kauna-unahang pagharap ng Pangulo ng Pilipinas sa premiyadong defense forum.
Aniya, malinaw na nailahad ng Presidente ang posisyon ng Pilipinas pagdating sa pagprotekta at pagrespeto ng integridad ng ating maritime zones at soberanya gayundin ang pagkilala at pagsunod sa rule of law at diplomasya.
“The President delivered a clear, compelling and rational articulation of our country’s legal and geopolitical position, particularly in the West Philippine Sea. As such, I expect more members of the international community to join the growing chorus calling for observance of the rule of law and diplomacy for dispute resolution,” sabi ni Speaker Romualdez
Muli ring binigyang-diin ni Romualdez na nakasuporta ang Kamara sa mga inisyatiba ng Pangulo at ng Ehekutibo para isulong ang ating national interest, kilalanin ang international law, at maki-ambag sa regional peace at stability.
Gayundin ang pagpapalakas sa ating defense capabilities lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
Binigyang halaga rin ng lider ng Kamara ang patuloy na pagpapalakas sa alyansa ng Pilipinas at pagkakaroon ng multilateral cooperation. | ulat ni Kathleen Jean Forbes