Ibinabala ng Manila Electric Company (MERALCO) ang posibleng pagpapataw ng mas mataas na generation charge sa susunod na tatlong buwan o mula Hulyo hanggang Setyembre.
Ito’y ayon sa MERALCO, makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang utay-utay na pagbabayad ng mga Power Utilities gaya ng MERALCO sa kuryenteng kanilang binili sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Una nang inanunsyo ng MERALCO, Quezon Power Philippines Ltd., San Buenaventura Power Ltd. Co., at South Premier Power Corporation (SPPC) na ipagpaliban ang pagpasa sa ₱500-million Generation Charge upang maibsan ang epekto ng pass-through charges.
Dahil dito, sinabi ni MERALCO Vice President and Corporate Communications Head, Joe Zaldarriaga na asahan ang ₱0.77 centavos kada kWh na dagdag singil sa susunod na tatlong buwan.
Kahapon, inanunsyo ng MERALCO na bababa ng mahigit ₱1 ang sisingilin nilang kuryente para sa buwan ng Hunyo mula sa dapat sana’y ₱0.64 centavos na taas-singil dahil sa naging desisyon ng ERC. | ulat ni Jaymark Dagala