Pinatawan ng multang aabot sa higit P2-M ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office ang water concessionaire na Maynilad.
Ito ay matapos na bumagsak ang kalidad ng tubig ng Maynilad at madiskubre ang tinatawag na total coliform sa mga koneksyon na nakaapekto sa labing-apat na barangay sa Caloocan.
Ayon sa MWSS, nasa 3,841 na water service connections ang naitalang naapektuhan ng nadiskubreng total coliform.
Pero paglilinaw ng MWSS RO, walang nakitang fecal coliform sa suplay ng tubig sa mga apektadong barangay.
Kaugnay nito, nagsagawa ngayong araw ang MWSS RO ng public information drive na para sa ipatutupad na rebate sa mga apektadong residente sa Caloocan.
Batay sa computation ng MWSS, aabot sa P530.69 ang rebate sa bawat water service connections.
Ayok kay MWSS RO Chief Regulator Patrick Ty, pwedeng umabot ng tatlong buwan ang libre sa singil sa tubig ng mga apektadong residente sa Caloocan hanggang sa maubos ang rebates.
Sa panig naman ni Rona Librella, Maynilad Business Area Spokesperson, susunod sila sa kautusan ng MWSS RO at tiniyak na ligtas inumin ang tubig.
Regular din umano silang nagsasagawa ng testing sa kanilang mga water samples sa kanilang mga distribution areas.
Tiniyak naman ni Atty. Ty na wala silang nakuhang impormasyon mula sa Caloocan na mayroong nagkasakit o outbreak sa mga naapektuhang water consumers. | ulat ni Merry Ann Bastasa