Nanindigan si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na wala itong koneksyon sa anumang Philippine Offshore Gaming Operator(POGO) operations sa bansa kaya maling tawagin itong “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.
Ang pahayag ay ginawa ni Mayor Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice(DOJ) ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Giit ni Mayor Guo, ang pagkakaroon lamang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.
Inihayag ng alkalde na ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya.
Giit nito na wala siyang anumang kaugnayan o pakikibahagi sa Zunn Yuan Technology, Inc. o anumang POGO sa bansa.
Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Mayor Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.
Ipinahayag niya ang kanyang pangamba na ang mga paratang ay maagang inilabas sa publiko bago pa man ipakita ang anumang kongkretong ebidensya.
Nanawagan si Mayor Guo na masusi munang imbestigahan ang mga kaso bago maglabas ng anumang pahayag sa publiko. Aniya, tila niluto muna sa publiko at sa media ang mga alegasyon bago ito isinampa laban sa kanya.
Handa si Mayor Guo na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, naninindigan sa kanyang pangako na ipagtanggol ang katarungan at transparency sa mga proseso. | via Lorenz Tanjoco