Humingi ng pang-unawa ang Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang mga customer dahil sa pagpapataw ng mas mataas na generation charge sa susunod na mga buwan.
Sa pulong balitaan sa Pasig, ipinaliwanag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na ang pagbabago sa singil ay bunsod ng naunang mag-anunsyo ang Meralco ng dagdag singil sa kuryente bago ang utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga distribution utility at electric cooperative sa bansa, na hatiin sa apat na buwan ang koleksyon ng bayarin para sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ayon kay Zaldarriaga, ang mas mataas na singil ay dahil sa koleksyon ng mga naantalang bayarin. Tinatayang may dagdag na ₱0.77 sentimo kada kilowatt-hour (kWh) sa mga singil mula Hulyo hanggang Setyembre.
Tiniyak naman ni Zaldarriaga na magkakaroon ng pagsasaayos sa due date upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga customer sa pagbabayad ng kanilang mga bill. | ulat ni Diane Lear