Asahan na ang pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo
Sa abiso ng Meralco o Manila Electric Company, ang pagbaba sa singil ay dahil sa implementasyon ng utay-utay na koleksyon ng mga singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Una nang inanunsyo ng MERALCO na magkakaroon ng dagdag-singil ngayong buwan pero nabago ito matapos maglabas ng bagong utos ang Energy Regulatory Commission sa lahat ng Distribution Utility at Electric Cooperative na hatiin sa loob ng apat na buwan simula Hunyo hanggang Setyembre ang koleksyon sa WESM charges.
Dahil dito, nasa ₱1.96 centavos per kilowatt hour na bawas-singil sa kuryente ang ipatutupad ng Meralco ngayong Hunyo sa halip na 64 centavos per kilowatt hour na dagdag singil na una nang inanunsyo.
Ito ay katumbas ng ₱392 na bawas singil sa kuryente ng pamilyang kumokonsumo ng 200-kilowatt hour kada buwan.
Humingi naman ng pang-unawa ang Meralco sa mga customer nito sa delayed na electric bills ngayong Hunyo dahil kinailangan ipatupad ang utos ng ERC.
Pagtiyak pa ng Meralco na kanilang palalawigin ang due date sa pagbabayad ng electric bill. | ulat ni Rey Ferrer