Puspusan ang kampanya ng Manila Electric Company (Meralco) sa pagbabaklas ng mga sala-salabat na kable sa Metro Manila.
Unang sinuyod ng mga tauhan ng Meralco ang kahabaan ng E.Santos sa Brgy. Sumilang kung saan nakatambak pa nang abutan ng Radyo Pilipinas ang mga kable sa baba ng poste.
Ayon sa Meralco, iniipon nila ang mga nabaklas na kable at sabay-sabay na kokolektahin dahil mahaba pa ang itatakbo ng kanilang wire clearing operations.
Maliban sa Brgy. Sumilang, sinuyod din ng Meralco ang mga kalsada sa mga barangay ng Bambang at Palatiw.
Samantala, suportado naman ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang kampanya ng Meralco at humingi sila ng pang-unawa sa mga residente.
Posible kasing madamay ang mga linya ng internet at telekomunikasyon dahi sa mga iligal o maling pagkakakabit nila ng mga kable sa poste ng Meralco.
Laking pasalamat naman ng mga residente dahil peligroso ito at takaw aksidente. | ulat ni Jaymark Dagala