Hahabulin at pananagutin na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga ahente at dealers ng mga sasakyan at motor na matagal mag-isyu ng plaka at OR/CR.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, nagsimula nang umaksyon ang ayensya laban sa mga motor vehicle agents na patuloy na lumalabag sa guidelines ng LTO.
Sa ngayon, mayroon na umano itong hawak na inisyal na listahan ng mga ahente at kanilang dealership na irerekomendang patawan ng sanctions, kabilang ang multa at posibleng suspensyon sa kanilang accreditation.
Katunayan, aabot na sa 28 ahente mula sa iba’t ibang motorcycle at car dealerships ang natukoy at sinasapinal na lang ang penalty.
Maaaring umabot sa ₱20,000 hanggang ₱500,000 ang multang ipapataw sa mga pasaway na ahente at isa hanggang anim na buwan na suspensyon ng kanilang accreditation.
Ang hakbang na ito ng LTO ay pagtalima sa utos ni Pangulong Marcos na tugunan na ang backlog sa license plates.
Matatandaang nag-isyu na rin ng memorandum ang Malacañang sa Department of Transportation (DOTr) para mapasunod ang mga vehicle dealer sa itinakdang oras ng pagproseso sa paglabas ng mga plaka ng sasakyan.
Katunayan, sa isang memorandum na ipinadala sa DOTr, binigyang-diin ng Malacañang na lahat ng dealer ng sasakyan ay kailangang sumunod sa itinakdang timeline ng LTO para sa pagproseso at pag-release ng mga plaka ng motor na sasakyan.
“Let this serve as a strong message to all agents and dealerships to do their part, their obligation to their clients. Kasama sa trabaho ninyo ay tiyakin na sumusunod kayo sa regulasyon ng LTO patungkol sa release ng plaka at OR/CR on time,” ani Asec. Mendoza.
Kaugnay nito, hinikayat rin ni Asec. Mendoza ang may-ari ng mga bagong biling sasakyan at motor na i-report sa kanila kung matagal silang isyuhan ng plaka at OR/CR.
Maaaring magsumbong sa social media accounts ng LTO , at sa AksyON THE SPOT 0929 292 0865. | ulat ni Merry Ann Bastasa