Malinaw na sa pandaigdigang komunidad na ang mga aksyon ng China ang tunay na hadlang sa kapayapaan at stabilidad sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro kasunod ng huling insidente sa Ayungin Shoal kahapon na kinasangkutan ng isang Chinese Coast Guard vessel at isang resupply boat ng Pilipinas.
Sa isang statement, nanindigan si Sec. Teodoro na tututulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mapanganib at walang-ingat na pagkilos ng China sa West Philippine Sea.
Giit ng kalihim, ang aksyon ng China ay kontra sa kanilang mga pahayag na “good faith and decency.”
Binigyang-diin ni Sec. Teodoro na gagawin ng DND at AFP ang lahat para gampanan ang kanilang mandato na protektahan ang teritoryo, soberenya, at karapatan ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne