Aminado ang mga mangingisda sa Masinloc, Zambales na may pangamba rin silang nararamdaman sa pagpapalaot at pangingisda sa Bajo de Masinloc.
Ito ay sa gitna ng pagpapatupad ng China ng bago nilang domestic law na aarestuhin at ikukulong ang mga mahuhuling nangingisda sa loob ng bajo de Masinloc o (Scarborough Shoal).
Ayon kay Philip Macapanas, na matagal nang nangingisda, hindi pa nila muling sinusubukan na mangisda sa Scarborough Shoal.
Kinumpirma rin ni Macapanas na may mga kasamahan siyang mangingisda na nakakaranas ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard.
Samantalang ang ilan naman ay pinipilian ang kanilang mga huling isda.
Dinagdag rin ni Macapanas na mula nang may nakabantay na Chinese sa loob ng Scarborough Shoal ay mas lumiit na ang kanilang kita dahil mas madalas na lang silang sa labas o paligid ng Scarborough nangingisda.
Kung ikukumpara kasi, ang huli sa loob ng Scarborough sa isang linggo ay umaabot ng P7,000 hanggang P8,0000 pero sa labas ng Scarborough ay umaabot lang ng P1,500.
Hiling ngayon ng mga mangingisda ng Masinloc sa gobyerno, lalo na sa ating Philippine Coast Guard, samahan o alalayan silang mangisda sa Scarborough. | ulat ni Nimfa Asuncion