Pinayuhan ni Bukidnon Representative Jonathan Keith Flores ang mga Pilipinong nagbabayad ng amilyar para sa lupa kung saan nakatayo ang kanilang bahay, na huwag munang ibenta ang kanilang mga lote o lupain.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Real Property Valuation and Assessment Law.
Sinabi ni Flores, hintayin muna ng landowners ang bagong schedule ng market values ng mga lupa para mas tumaas ang halaga nito.
Maliban dito, mayroon din aniyang 6% limit sa umento sa amilyar na nakatakda sa tax reform para sa unang taon ng pagiging epektibo ng bagong Schedule of Market Values (SMV).
Naniniwala ang mambabatas na tataas ang economic value ng mga real property sa buong bansa na nabalam dahil sa dekada nang lumang valuation.
Layon ng batas na magtakda ng iisang valuation base para sa assessment ng Real Property-related Taxes sa bansa sa pamamagitan ng pag-adopt sa tinatawag na Schedule of Market Values.
Mayroon ding dalawang taong amnestiya sa interests, surcharges, at penalties para sa hindi nabayarang Real Property Tax. | ulat ni Kathleen Jean Forbes