Hindi napigilan ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ ang umanoy marahas na pagpasok ng mga pulis sa kanilang compound kahapon sa Davao City para isilbi ang Warrant of Arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy dahil sa patong-patong na mga kaso.
Sa inilabas na mensahe ng grupo, labag sa karapatan ang pamamaraan na ginamit ng Philippine National Police nang pwersahan nilang pinasok ang apat na lugar ng nasabing compound.
Kabilang dito ang Glory Mountain, Prayer Mountain, KOJC compound na parehong nasa Brgy. Tamayo ng Davao City, at KOJC property sa Brgy. Kitbug Saranggani Province.
Kinuwestyon din nila ang bitbit na Warrant of Arrest na inisyu ng korte mula sa Pasig City dahil sa pagkakaalam nila ay ibinalik na ito sa huwes na nag-isyu.
Tinawag din nilang overkill ang ginawang pagpasok ng mga pulis kahapon lalo pa at full battle gear ang mga ito at suot ang mga bullet proof vest habang may dalawang chopper na umaaligid sa compound.
Sa nasabing paggalugad ng mga pulis, sinasabing tatlong miyembro ng KOJC ang umanoy nasaktan, pinosasan, at inaresto.
Dahil dito, magsasampa sila ng kaso laban sa mga pulis na responsable sa iligal na pagpasok sa kanilang compound. | ulat ni Mike Rogas