Pinaalalahanan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang mga online platform at consumers na dapat silang sumunod sa requirements ng kawanihan sa pagbebenta ng vape products online.
Pahayag ito ng BIR kasunod ng ulat na may online sellers ang aktibong nagbebenta ng kanilang mga produkto sa mababang presyo.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., dapat mga rehistradong online sellers lamang ang pinapayagan ng online platforms na makapagbenta ng vape sa online.
Mahigpit na binabantayan ng BIR ang parehong mga online platform at brick-and-mortar stores na nagbebenta ng vape products.
Partikular ang mga posibleng paglabag sa mga regulasyon ng BIR sa mga produktong vape tulad ng hindi pagsunod sa tax stamps, minimum floor price, at iba pang kinakailangan ng BIR.
Hiling ng BIR, na dapat tanggalin ang anumang online post o alok na direktang lumalabag sa regulasyon ng BIR sa vape. | ulat ni Rey Ferrer