Kasado na ang palatuntunan para sa taunang “Wattah-Wattah” Festival sa Lungsod ng San Juan kaalinsabay ng pagdiriwang ng pista ng kanilang patron na si San Juan Bautista.
Alas-5 pa lamang kanina nang simulan na ang pagdiriwang ng Zumba session sa Pinaglabanan Shrine at sinundan naman ito ng isang misa sa St. John the Baptist Parish ganap na alas-6 ng umaga.
Alas-6:30 naman, isinagawa ang flag raising ceremony na sinundan naman ng pagbabasbas ng mga float at firetruck na gagamitin sa pagsisimula ng pagbabalik ng inaabangang “Basaan.”
Habang alas-9:30 naman mamaya aarangkada ang street dancing parade tampok ang mga natatanging galing at talento ng mga San Juaneño.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, limitado lamang sa tatlong firetruck ang kanilang ipakakalat at hanggang alas-12 lamang ng tanghali mamaya magtatagal ang basaan.
Una nang sinabi ng Alkalde na kahit ibinalik na nila ang tradisyonal na “Basaan,” kailangan pa ring isaalang-alang ang kanilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa pagtitipid sa tubig lalo’t ramdam pa rin ang epekto ng El Niño. | ulat ni Jaymark Dagala