Dapat masibak agad sa serbisyo ang mga pulis na masasangkot sa krimen.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, ito ang gustong mangyari ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, sa halip na suspensyon lang o demosyon ang ipataw na parusa sa mga pulis na napatunayang nagkasala.
Kaugnay nito, sinabi ni Fajardo na pinamamadali ni Gen. Marbil ang imbestigasyon sa kaso ng lahat ng pulis na nasangkot sa iba’t ibang kasong kriminal.
Sa buwang kasalukuyan lang ay ilang mga pulis ang napaulat na sangkot sa iba’t ibang krimen.
Kabilang dito ang apat na pulis na inaresto kaugnay ng kidnapping ng apat na Chinese national sa Pasay City noong nakaraang linggo; ang Police Major na nadakip sa kasong carnapping kasama ang iba pa noong June 5; at ang Deputy Chief of Police ng Plaridel Municipal Police Station na inireklamo sa pangmamanyak umano sa kapwa pulis noong June 7. | ulat ni Leo Sarne